Sa Maraming Bagay tayo ay Natitisod

Santiago 3:2  Sapagka’t sa maraming mga bagay tayong lahat ay nangatitisod. Kung ang sinoman ay hindi natitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan.

Lahat tayo ay natitisod. Ang salitang ito sa wikang English ay nangangahulugan ng “to stumble, to fall.” Katulad din ito ng kahulugang lahat tayo ay nagkakasala, lahat ay nagkakamali at walang gumagawa ng mabuti at ng kalooban ng Dios na hindi nahahawahan ng pagkakamali.

Malimit nating madinig ang katagang, “lahat ng tao ay nagkakasala, dahil nga tao.”

Subalit dito, ay ipinaliliwanag ng Apostol na si Santiago ang panganib na maaaring idulot ng kawalan ng pag-iingat ng pagtataglay ng katungkulan, lalo na sa isang tagapangaral ng salita ng Dios. Maselan ang tungkulin ng isang tagapangaral, at sa kaunting pagkakamali na magawa nito sa kaniyang pananalita halimbawa ay maaaring ikapahamak ng sinumang maaaring makapakinig sa kaniya.

Hindi lamang tagapangaral ang tinutukoy dito, kundi lahat ng tao. Lahat tayo ay may responsibilidad sa ating mga kapuwa na ingatan natin ang bawat salitang maaari nating sabihin kung ito ba ay makakasakit o hindi magdudulot ng mabuti sa ating kapuwa tao.

May mga taong walang kakayahan sa pagpigil ng kanilang mga dila. Ang dila ay makapangyarihan. May kakayahan ito para sirain ang kapuwa tao, para sunugin ang buong kagubatan.

Jas 3:5  Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malalaking bagay. Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinagaalab ng lubhang maliit na apoy!

Jas 3:6  At ang dila’y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba’t ang dila, na nakakahawa sa buong katawan, at pinagningas ang gulong ng katalagahan, at ang dila’y pinagniningas ng impierno.

Jas 3:8  Datapuwa’t ang dila ay hindi napaaamo ng sinomang tao; isang masamang hindi nagpapahinga, na puno ng lasong nakamamatay.

Jas 3:9  Siyang ating ipinagpupuri sa Panginoon at Ama; at siyang ating ipinanglalait sa mga taong ginawang ayon sa larawan ng Dios:

Jas 3:10  Sa bibig din lumalabas ang pagpuri’t paglait. Mga kapatid ko, ang mga bagay na ito ay hindi nararapat magkagayon. Jas 3:11  Ang bukal baga’y sa isa lamang siwang ay binubukalan ng matamis at mapait?

Malaking kapahamakan ang maaaring idulot ng kamalian ng dila o ng pagsasalita. Kaya malaking pag-iingat ang kailangang gawin ng sinuman. Malaking epekto ang maaaring idulot nito maging sa mga kaanib ng iglesia ng Dios.

Sino lamang ang hindi maaaring maapektuhan ng kamalian ng salita ng dila?

Ang hindi natitisod sa salita ang sinasabing hindi kailanman maaapektuhan at ang gayong tao ayon sa Biblia ay sakdal, na mayroong kakayahan upang pigilan ang buong katawan. Ang gayong tao ay mayroong kakayahan upang kontrolin ang kaniyang mga kahinaan at sapat na makapagtaglay ng lakas mula sa Dios upang makapanatiling matibay anuman ang kaniyang makita o madinig na maaaring magpatisod o magpa-tumba sa kaniyang pananampalataya.

Hindi naman nangangahulugan na ang gayong mga tao ay ganap nang walang bahid dungis o kapintasan, na hindi na nagkakasala, sapagkat ayon sa talata ay lahat tayo ay natitisod sa maraming mga bagay. Kung ang sinuman ay may kakayahang pigilin ang kaniyang dila o pananalita, ay may kakayahan siya sa kaniyang buong katawan o sarili, at ang sinumang mayroon nito ay may kakayahan at kapangyarihan na mapigilan ang pagkakasala sa kaniyang sarili.

Sa kahulugan ng pagiging sakdal (perfect), ayon sa talatang Job 1: 1 (May isang lalake sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan), ang sinumang sakdal ay mayroong malaking kakayahan na kontrolin ang kaniyang sarili na humiwalay sa kasamaan, gaya ng kapangyarihan ng pamigil ng kabayo at ng ugit sa isang barko.

Ang sakdal ay may kakayahang lumayo sa kasamaan sapagkat nagagawa niyang pigilin ang hila ng kaniyang laman, na laging nakikipag-alit laban sa Espiritu ng Dios na nasa kaniya.

Pag-aralan natin ang ating mga sarili. Gaano kalakas ang pamigil natin sa ating mga pananalita at sa ating mga gawa?

Kung mahina ang pamigil natin, madali tayong magkakasala at mahihila sa paggawa ng masama.

 

Leave a comment